90 percent biyahe ng jeep sa Metro Manila, naparalisa
MANILA, Philippines — Naparalisa ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang may 90% ng operasyon ng mga pampasaherong jeep sa Metro Manila at karatig lalawigan sa pagsisimula kahapon ng dalawang araw na tigil-pasada ng naturang grupo.
Ayon sa PISTON, ilan sa mga lugar sa Metro Manila na lubhang naapektuhan ng transport strike sa unang bugso ng tigil-pasada kahapon ay ang Avenida sa Maynila, Navotas, Monumento Caloocan , Pasay, Baclaran, Pasig, Bagong Bayan Taguig, Sucat Parañague, Las Piñas, Novaliches, Litex, Philcoa, kahabaan ng Quezon Avenue at UP sa Quezon City, gayundin sa lugar sa mga lalawigan partikular na sa Cavite area.
Sinabi ni Steve Ranjo, deputy Secretary General ng PISTON, pitong protest center ang kanilang inilatag sa Metro Manila na ang isa ay sa harapan ng main office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue sa Quezon City upang ipanawagan sa gobyerno ang kanilang demands na hindi pa rin inaaksyunan ng pamahalaan hanggang sa kasalukuyan.
Hirit ng PISTON na maibasura ng gobyerno ang PUV consolidation o pagsasama samahin ang mga pampasaherong sasakyan sa isang kompanya o kooperatiba, pagbasura sa PUV Modernization, pagtigil sa pag phase out sa mga traditional jeep at 5 year extention ng PUV franchise at pag-aalis ng fines and penalties sa sale and transfer ng mga sasakyan.
Binigyang diin ni Ranjo na tanging ang pag-aalis ng fines and penalties sa sale and transfer ng mga sasakyan ang naipagkaloob ng LTFRB pero ang mga pinaka-pangunahing demands ay patuloy na ipinagkakait sa kanila ng pamahalaan.
Sinabi nito na bagamat nagdesisyon ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala nang extention ang PUV consolidation na hanggang Dec. 31 na lamang ang deadline, marapat pa ring pag-aralan ng gobyerno na ma-extend pa ito ng isang taon.
Anya batay sa kanilang pag-aaral, hindi magpapaganda ng buhay ng bawat operator ng sasakyan kung gagawing modernized ang sasakyan kundi mababaon lamang sa utang.
Wala rin anyang katotohanan ang pahayag ng LTFRB na 70 percent na ang nag-consolidate at 30 percent lamang ang hindi.
Anya marami ang nagplanong mag-consolidate o sumama sa korporasyon o kooperatiba, marami pa ang hindi nagko-consolidate dahil sa sobrang mahal ang pagmiyembro sa kooperatiba na P300,000 membership fee.
- Latest