MANILA, Philippines — Muling ipinatutupad ngayon ng University of the Philippines-Philippine General Hospital ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa loob ng pagamutan kasunod ng pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa advisory na inilabas ng pagamutan, inirerekomenda rin nila ngunit boluntaryo ang pagsusuot ng face mask maging sa labas ng pagamutan, lalo na sa mga lugar na hindi maganda ang bentilasyon at maraming tao.
Inabisuhan nila ang publiko na kung malusog at bata pa pero may mga sintomas tulad ng ubo, lagnat, sore throat, at sipon, dapat sumailalim agad sa COVID tests para makatiyak kung dinapuan na ng virus.
Kung magpopositibo, dapat sumailalim sa isolation ang pasyente ng limang araw para hindi makahawa pa ng iba.
Kasunod ito ng ulat ng Department of Health (DOH) na umakyat ng 36% ang mga kaso ng COVID-19 nitong nakalipas na linggo kumpara sa sinundang linggo nito.