Prangkisa ng PUVs na ‘di susunod sa consolidation deadline, babawiin

Traditional jeepneys ply across Commonwealth Avenue in Quezon City on December 13, 2023.
STAR/Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Tuluyan na umanong mawawalan ng prangkisa ang mga public utility vehicles (PUVs) na hindi makakatugon sa Dec. 31 consolidation deadline.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) na ‘all systems go’ na ang isinusulong nilang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ito’y matapos nga na mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ang mag-anunsiyo na hindi na palalawigin pa ng pamahalaan ang deadline para sa konsolidasyon ng mga PUVs sa kooperatiba o korporasyon.

Dahil dito ay nagbabala rin si DOTr Secretary Jaime Bautista na mawawalan ng prangkisa ang mga jeepney operators na hindi pa nag-commit o nag-consolidate sa ilalim ng programa.

Kapag nangyari aniya ito, magiging kolorum na ang mga jeepney operators at hindi na makakabiyahe pa ang kanilang mga jeep.

“Yung mga hindi magko-consolidate ay automatic mawawala ang kanilang franchise kasi provisional authority lang ang na-issue. Kapag hindi ka kasama sa isang consolidated unit, ‘yung franchise ng unit na iyong minamaneho ay mawawala na,” ani Bautista, sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

“Hindi na sila makakabiyahe. ‘Pag bumiyahe sila, colorum sila, “aniya pa.

Una nang nanindigan si Marcos na hindi na palalawigin pa ang deadline sa konsolidasyon ng mga jeepney.

Ito’y sa kabila ng panibagong bantang tigil-pasada na ikinakasa ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ngayong Disyembre 14-15.

Matapos naman ang anunsiyo ng pa­ngulo, sinabi ng PISTON na itutuloy nila ang naturang tigil-pasada.

Tiniyak naman ni Bautista na handa ang pamahalaan sa naturang panibagong transport strike.

Show comments