MANILA, Philippines — Kapwa kalaboso ang mag-live in partner nang unang madakip ang lalaki na nagbebenta ng shabu habang sinusuhulan naman ng babae ang mga humuli sa una, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Richard James Gozum, 30 at Charlotte Garcia, 25, ng Compound 6, door 8 Mauban Street, Brgy. Manresa, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PSMS Roberto Salisi na nagsasagawa ng anti-illegal drug operation ang mga pulis dakong alas-12:30 ng madaling araw sa Sto. Domingo Avenue malapit sa Makaturing Street, Barangay Manresa, Quezon City at unang naaresto si Gozum.
Habang isinasagawa ang inventory laban kay Gozum, dumating ang ka-live in nito na si Garcia at tinangkang suhulan ang isang pulis ng halagang P167,000 kapalit ng kalayaan ng una.
Agad na pinosasan ng mga pulis si Garcia at dinala rin sa nasabing police station.
Nahaharap si Gozum sa kasong paglabag sa RA 9165 habang paglabag naman sa Article 212 (Corruption of Public Official) si Garcia.