Maynila hihingi uli ng elepante sa Sri Lanka
Matapos pumanaw si ‘mali’
MANILA, Philippines — Nakatakdang makipag-ugnayan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa gobyerno ng Sri Lanka para humingi muli ng elepante na maaaring pumalit sa pumanaw na si Mali at maging bagong atraksyon sa Manila Zoo.
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na una na nilang hiningan ang mga opisyal ng Sri Lanka sa kanilang pagbisita noon sa Maynila at nangako naman na pagbibigyan sila kapag nawala na si Mali.
Ipinaliwanag ng alkalde na sa Sri Lanka nanggaling si Mali na iniregalo ng gobyerno nila kay dating First Lady Imelda Marcos noong May 14, 1981. Ipinagkatiwala naman ang noo’y 11 buwang gulang na elepante sa lokal na pamahalaan ng Maynila at sa Manila Zoo.
“During one of their visits nag-commit sila na magbibigay po uli sila. So ngayon i-inform namin sila na nawala na si Mali then ‘yung offer nila sa amin mag-push,” ayon kay Lacuna.
Bukod sa Sri Lanka, nanghingi rin ang lokal na pamahalaan ng lalaki sana na elepante sa gobyerno ng India para makasama ni Mali ngunit hindi ito naisakatuparan.
Magugunitang si Mali na nag-iisang elepante sa Pilipinas ay pumanaw na noong nakalipas na linggo.
Naging atraksyon ito at inaruga sa Manila Zoo.
- Latest