MANILA, Philippines — Umaabot sa 122 lote ang ipinamahagi ng National Housing Authority (NHA) sa mga qualified beneficiary ng ‘Bulelak Minahan’ sa isang seremonya sa Marikina Hotel and Convention Center sa Marikina City.
Ang aktibidad ay bahagi ng Settlements Upgrading Program ng NHA, na layuning tugunan ang seguridad sa paninirahan ng mga informal settlers sa mga lupaing pagmamay-ari ng gobyerno sa pamamagitan ng infrastructure development at housing construction.
Ang pabahay na may 10,041 square meters ng ‘Bulelak Minahan’ ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng Marikina City LGU kung saan ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng kanilang Conditional Contract to Sell (CCS) mula sa NHA bilang pagkilala sa kanilang paninirahan sa lugar ng mahigit 40 taon.
Ang hakbang ay bahagi ng pagsusumikap ng NHA na matulungan ang mas maraming pamilyang Pilipino na matupad ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling tahanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng dekalidad, ligtas, at abot-kayang pabahay bilang suporta sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) flagship program ni Pangulo Ferdinand R. Marcos, Jr. patungo sa Bagong Pilipinas.