MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Interior Secretary Benhur Abalos nitong Martes ang mga bagong halal na opisyal ng barangay iwasan ang umano’y gantihan o palitan ang mga nadatnan nang barangay workers kung may kakayahan namang ipagpatuloy ng mga programa at serbisyo ng komunidad.
Ayon kay Abalos, dapat nang matapos ang “political retribution” dahil ang tunay na pinuno ay laging nagbibigay inspirasyon at pagkakaisa sa mga tao.
“Hindi po ito gantihan. I am pleading sa ating mga bagong kapitan ngayon na hangga’t maaari sana ay yakapin natin lahat [barangay personnel] including the continuity of good programs and projects. Para magawa ito, siyempre, kailangan mo ng mabubuting tao para ipagpatuloy ang mga serbisyong ito,” ani Abalos.
Binigyang-diin ni Abalos na dapat unahin ng mga bagong halal na opisyal ang pagpapanatili ng mga barangay health workers, nutrition scholars, at tanods.
Ipinunto ng kalihim na ang pagpapanatili sa mga barangay workers na ito, na sumailalim na sa capacity development interventions, ay may mahalagang papel sa pagtugon sa mga problema sa mga barangay.
Nauna nang nagbabala ang DILG chief sa mga bagong halal na opisyal na huwag magtalaga ng mga kamag-anak sa mga posisyong administratibo, at binigyang-diin na ang background sa edukasyon at iba pang mga kwalipikasyon ang dapat isaalang-alang.