MANILA, Philippines — Patay ang isang babae nang pagbabarilin sa harap ng kanyang anak ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead on the spot ang biktimang si Christine Joy Malasan, 35, solo parent at residente ng Blk 2 Lot 135 Tupda Village Brgy. 8 Caloocan City.
Inilarawan naman ang mga suspek na nakasuot ng itim na jacket at sakay ng motorsiklo.
Ayon kay Caloocan City Police chief PCol. Ruben Lacuesta, nangyari ang pamamaril dakong alas- 8:45 ng gabi sa harap ng Jonahvee Store sa Salmon St. Brgy. 8, ng nasabing lungsod.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na naglalakad pauwi ang biktima kasama ang 13-anyos na anak nang huminto sa nabanggit na tindahan para bumili ng sigarilyo at softdrinks.
Dito naman lumapit ang isa sa mga suspek na sakay ng motorsiklo at binaril nang malapitan ang biktima ng ilang ulit.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungo sa Sabalo St.
Ayon kay Lacuesta, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na illegal drugs ang motibo sa pamamaslang dahil dati nang nakulong ang biktima.
Irerekomenda naman ng pulisya ang pagsasailalim sa debriefing sa anak ng biktima lalo pa’t nasaksihan nito ang pagpatay sa kanyang ina.
Dagdag pa ni Lacuesta, may person of interest na sila at tiwalang madadakip sa lalong madaling panahon.
Posible ring makatulong ang salaysay ng anak ng biktima upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.