Lalaking umakyat sa poste ng kuryente, ‘di na kakasuhan ng Meralco
MANILA, Philippines — Wala nang plano ang Manila Electric Company (Meralco) na sampahan ng kaso ang isang lalaking umakyat sa poste ng kuryente sa Marikina City noong Martes.
Ayon kay Meralco Vice President Joe Zaldarriaga, na siya ring head ng Corporate Communications, nauunawaan nila ang lagay ng lalaki, na hindi na pinangalanan para sa proteksiyon nito, kaya’t hindi na nila ito kakasuhan.
Ang mahalaga aniya sa kanila ay ligtas itong nasagip dahil hindi matutumbasan ng anumang halaga ang buhay ng tao.
Matatandaang Martes ng tanghali nang umakyat ang lalaki sa poste ng kuryente sa Brgy. Calumpang at inabot ng 30-oras bago siya naibaba ng mga rescuers.
Ayon sa kanyang kapatid, namatayan ng anak at iniwan pa ng kinakasama ang lalaki, na posibleng dahilan kung bakit ito na-depress at nagawang umakyat sa poste.
Sa pagtaya naman ng Meralco, aabot sa 4,000 kostumer nila ang naapektuhan ng insidente dahil kinailangang pansamantalang patayin ang suplay ng kuryente para sa kaligtasan ng lalaki.
May mga nasira ring poste, tulad ng pole steps at mga insulator.
Sinabi naman ni Zaldarriaga na inayos na nila ang mga nasira at naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa lugar.
Patuloy pa umano silang nagsasagawa ng assessment upang matukoy ang halaga ng pinsalang idinulog ng pangyayari.
- Latest