MANILA, Philippines — Kulong ng hanggang 20-taon at multang P1 milyon ang ipinataw ng Las Piñas Regional Trial Court sa isang Chinese national sa kasong human trafficking. Sa kautusan na may petsang Oktubre 27, 2023, sinabi ni Judge Phoeve Meer ng RTC Branch 275, guilty si Andy Chen sa paglabag sa Republic Act 9208 sa inamyendahang RA 10364 Expanded Anti-Trafficking in Persons Act).
Bukod pa rito ang utos ng hukom na bayaran ni Chen ang biktimang babae na kanyang kababayan ng P400,000 bilang moral at exemplary damages. Ang biktima ay isang Philippine offshore gaming operator (POGO) worker, na nai-rescue ng mga operatiba ng Women and Children Protection Center (WCPC) sa raid sa XinChuang Network Technology sa Alabang Zapote Road, Barangay Almanza Uno, noong Disyembre 1, 2021.