MANILA, Philippines — Sinaklolohan ng mga otoridad ang isang lalaki sa Lungsod ng Marikina matapos umakyat ng poste ng kuryente at magpasirko-sirko sa mga kawad nito simula pa kahapon, Martes.
Inabot ngayong Miyerkules sa ibabaw ng 60-feet na poste ang lalaki sa Brgy. Calumpang, bagay na inabot ng 27 oras bago makumbinsing bumaba ng rescue team, ayon sa ulat ng dzRH.
Nagdulot ng power interruption ang lalaki sa ilang bahagi ng Marikina habang sinisibukang i-rescue. Ayon sa mga ulat, bandang 10 a.m. pa kahapon nang pumanik ang lalaki.
Aniya, pahirapang kunin ang lalaki sa hawak nitong bakal. Kinaumagahan kanina, mas gumitna pa raw ang nabanggit.
Isang "cushion bag" ang una nang inihanda ng Bureau of Fire Protection (BFP) bilang pansalo sa lalaki kung sakaling mahulog.
Lumantad din ang isang nagpakilalang kapatid ng lalaki bandang tanghali at umakyat din para kumbinsihing pumanaog sa peligrosong posisyon. Hindi pa rin malinaw ang puno't dulo ng pag-akyat ng lalaki.
Hinihingian pa ng Philstar.com ng pahayag si Marikina City Mayor Marcy Teodoro patungkol sa insidente ngunit hindi pa rin tumutugon hanggang sa ngayon. — may mga ulat mula sa News5