Resulta ng DNA
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon ang mga hibla ng buhok at dugo na nakuha sa abandonadong SUV, kamakailan sa Brgy. Dumuclay, Batangas City.
Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Romeo Caramat, Jr., nag-match sa DNA profile ng mga magulang ni Camilon ang dugo at buhok na nakita sa naturang sasakyan na indikasyon na nagsasabi ng totoo ang dalawang saksi tungkol sa nakita nilang babae na duguan na inilipat sa nasabing pulang SUV.
“’Yung mga witness natin ay ‘di nagsisinungaling. There is a corroborative evidence na talagang nakita nilang babae na binubuhat ng mga suspek natin ay certainly si Ms. Camilon,” ani Caramat.
Dahil dito, mas bumigat aniya ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban kina PMajor Allan de Castro na umaming mayroon silang “illicit relationship” ng beauty queen; driver-bodyguard nito na si Jeffrey Magpantay at dalawang “John Does.”
Samantala, sinusubukan din ng PNP Forensic Team na makakuha ng fingerprints upang i-match sa mga suspek.
Nag-alok na ng ?250,000 na pabuya sina Batangas Vice Governor Mark Leviste, Presidential Anti-Organized Crime Commission at ang business sector para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng beauty queen.
Oktubre 12 pa nang mapaulat na nawawala si Camilon.
Umaasa naman ang pamilya ni Camilon na buhay pa ito.