MANILA, Philippines — Umaabot sa 920 sasakyan ang ipakakalat ng Philippine National Police (PNP) na magbibigay ng libreng sakay sa mga apektadong commuters para sa tatlong araw na transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) simula ngayong Lunes.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) chief PCol. Jean Fajardo, naka standby nationwide ang mga gagamiting sasakyan na maghahatid sa mananakay.
Bukod pa ito sa ilalaan ng mga Local Government Units (LGUs) at iba’t ibang ahensya sa transport strike.
Nabatid din kay Fajardo na magpapakalat ang PNP ng 9,000 pulis sa iba’t ibang lugar lalo na sa mga passenger pick-up at drop off points upang magtiyak na walang anumang pangha-harass na mangyayari sa grupo ng mga magwewelga.
Ani Fajardo, ang kanilang ginawang security deployment ay hindi lamang para sa mga rally points kundi maging sa mga transportation hubs na dadagsain ng mga commuters.
Sa ngayon ay naka-hightened alert ang PNP partikular sa mga lugar kung saan isinasagawa ang mga programa ng kilos protesta. Naka-standby rin aniya ang Reactionary Standby Support Force laban sa mga hindi inaasahang gulo.
Samantala, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director PBrig. General Redrico Maranan na naghanda sila ng nasa 25 sasakyan upang magbigay ng tulong sa mga maaaring maabala sa kakulangan ng mga regular na serbisyo sa transportasyon sa lungsod.
Bilang karagdagan, magde-deploy ang QCPD ng mga personnel para magsagawa ng foot, mobile, motorcycle at checkpoint patrols upang mahadlangan ang anumang illegal activities sa buong event.