MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng pamunuan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang publiko laban sa “phishing scam” o mapanlinlang na tawag o mensahe sa cellphone at online.
Sa isang public advisory, sinabi ng PHLPost na nakatanggap sila ng mga reklamo na may ilang indibiduwal ang nakatatanggap ng “phishing messages” na kunwari ay magbibigay ng mensahe na meron kang natanggap na parcel at hindi ito maidedeliber dahil sa mali at hindi kumpletong address.
Ayon sa PHLPost, mayroon din itong kasamang link na ipapa-click sa potensiyal nitong biktima na magdadala sa kanya sa isang website upang makuha ang kanyang mga personal na impormasyon.
Kabilang umano sa hihingiin nito ay ang buong pangalan, address at maging detalye ng credit card o online wallet.
Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ni Postmaster General (PMG) Luis Carlos sa publiko na mag-ingat at huwag basta-basta mag-click ng anumang link.
Binigyang-diin ng PHLPost na sila ay hindi tumatawag o nagbibigay ng mensahe sa kanilang mga kliyente para sa anumang transakyong pinansyal. Ang lahat anila ng mga parsela ay may tracking number na maaring i-check ng publiko sa kanilang website na www.phlpost.gov.ph.