Tigil-pasada huwag nang ituloy!

Bagama’t sa darating na Lunes pa ang ikinasang tigil-pasada ng transport group na PISTON, kahapon ay nagdaos na ng kilos-protesta ang mga driver ng tradisyunal na jeep na may rutang Pasig. Taguig. Marikina at Makati. Ito umano ay pagpapakita ng kanilang suporta sa ikinakasang tigil-pasada.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nakiusap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamunuan ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na huwag nang ituloy ang ikinakasang tigil-pasada simula sa Lunes, Nob. 20.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na bukas naman sila sa pakikipagda­yalogo para pag-usapan at solusyunan ang mga hinaing sa gobyerno.

Malaki ang paniwala ni Chairman Guadiz na maraming tsuper ang nabibiktima lang ng ‘fake news’ o maling impormasyon tungkol sa PUV modernization.

Anya walang kato­tohanan na magkaka­roon ng jeepney phase­out, bagkus ay kailangan lamang na tiyakin ng LTFRB kung road worthy pang tumakbo sa mga lansa­ngan ang mga tradisyunal na jeep para na rin sa kaligtasan ng mananakay nito.

Nilinaw ng LTFRB chairman na paglabag sa kanilang franchise ang pagsasagawa ng tigil-pasada.

Binanggit pa nito na sakaling itutuloy pa rin ng Piston ang bantang tigil-pasada ay makiki­pag-ugnayan sila sa mga local gov’t units para sa libreng sakay sa mga commuters at makikipag-usap din sa PNP para matiyak na magiging mapayapa at walang panghaharas na magaganap.

Show comments