Tigil-pasada huwag nang ituloy!
MANILA, Philippines — Nakiusap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamunuan ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na huwag nang ituloy ang ikinakasang tigil-pasada simula sa Lunes, Nob. 20.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na bukas naman sila sa pakikipagdayalogo para pag-usapan at solusyunan ang mga hinaing sa gobyerno.
Malaki ang paniwala ni Chairman Guadiz na maraming tsuper ang nabibiktima lang ng ‘fake news’ o maling impormasyon tungkol sa PUV modernization.
Anya walang katotohanan na magkakaroon ng jeepney phaseout, bagkus ay kailangan lamang na tiyakin ng LTFRB kung road worthy pang tumakbo sa mga lansangan ang mga tradisyunal na jeep para na rin sa kaligtasan ng mananakay nito.
Nilinaw ng LTFRB chairman na paglabag sa kanilang franchise ang pagsasagawa ng tigil-pasada.
Binanggit pa nito na sakaling itutuloy pa rin ng Piston ang bantang tigil-pasada ay makikipag-ugnayan sila sa mga local gov’t units para sa libreng sakay sa mga commuters at makikipag-usap din sa PNP para matiyak na magiging mapayapa at walang panghaharas na magaganap.
- Latest