MANILA, Philippines — Isang hairstylist ang minartilyo sa ulo at pinagsasaksak ng kutsilyo ng isang 16-anyos na binatilyo na umano’y minolestiya ng una kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kasalukuyang naka-confine sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Ricky Jimenez, 68, ng Brgy. Apolonio Samson, Quezon City habang nasa kustodiya na ng Quezon City Police District-La Loma Police Station ang suspek na menor-de-edad na residente ng Brgy. Damayang Lagi.
Napag-alaman sa imbestigayon na PMSg Harold Jake Dela Rosa ng QCPD La Loma Police Station na nangyari ang insidente alas-10 ng gabi nitong Miyerkules sa bahay ng biktima.
Bago ito, inimbita ng biktima ang suspek sa kanyang tahanan upang maghapunan at magtalik kapalit ng P1,000.
Matapos kumain ang dalawa sinabihan ng biktima ang suspek na maligo na sinunod naman ng huli. Laking gulat ng suspek na sa kanyang paglabas sa banyo ay makitang hubo’t hubad ang biktima.
Pinaupo siya ng suspek sa kama at sinimulang gawan ng kahalayan. Tumanggi ang suspek sa pinaggagawa ng biktima na humantong sa kanilang pagtatalo.
Dahil dito, kinuha ng binatilyo ang martilyo at dalawang beses na pinukpok sa ulo ang biktima. Hindi pa nakuntento, kumuha pa ito ng kutsilyo at sinaksak sa biktima.
Narinig naman ng kapitbahay ang komosyon kaya agad na humingi ng responde sa Barangay Apolonio Samson.
Agad na isinugod sa QCGH ang biktima habang napigilan naman ng baranggay ang papatakas na suspek.
Natagpuan ng pulisya sa crime scene ang kutsilyo at martilyo na ginamit ng suspek.