Single ticketing system, inilunsad na rin sa San Juan City

Itinurn-over ng pamunuan ng MMDA sa pamahalaang lungsod ng San Juan ang mga handheld devices na gagamitin sa pag-iisyu ng violation tickets sa pagsisimula sa pagpapatupad sa single ticketing system sa lungsod.
Kuha ni Michael Varcas

MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad sa San Juan City ang Single Ticketing System (STS) bilang bahagi ng pagtatatag ng unipormadong polisiya sa mga traffic violations at penalty system sa National Capital Region (NCR).

Mismong si Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora, kasama sina Land Transportation Office (LTO) Regional Director Atty. Noreen San Luis-Lutey, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando S. Artes, ang nanguna sa launching ng STS sa San Juan City Hall Atrium kahapon ng umaga.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Zamora na nagpapasalamat siya dahil naisakatuparan din ang paglulunsad ng STS sa San Juan pagkatapos ng mahabang panahon.

Ayon naman kay San Luis-Lutey, ang STS ang magsisimula ng pagbabago ng law enforcement sa Pilipinas.

Sa nasabi ring aktibidad, nabatid na ang MMDA ay nag-turned over ng 30 handheld devices sa San Juan City na siyang gagamitin sa pag-iisyu ng violation tickets sa mga tsuper na magkakaroon ng paglabag sa 20 common traffic violations na napagkasunduan ng LTO at ng MMC.

Ang mga naturang handheld devices ay magpapahintulot din sa mga mahuhuling motorista na agarang magbayad ng multa gamit ang mga online payment channels at credit cards.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Artes na, “Ito po ay historic moment dahil after 28 years ay maro-roll out na fully ang single ticketing system. Marami pong nagtangka na i-implement ito. Pero during our term as MMDA chair and Mayor Zamora as MMC president ay naisakatuparan na ito.”

Inianunsiyo rin naman ng MMDA chief ang pagbili nila ng karagdagang 1,000 handheld devices na ­ipapamahagi nila sa iba’t ibang LGUs.

Show comments