MANILA, Philippines — Timbog ang isang dayong miyembro ng ‘Spaghetti Gang’ matapos na maaktuhang pinuputol ang kawad ng telepono na nagresulta sa pagkawala ng koneksiyon at serbisyo sa ilang lugar kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Nakilala ang suspek na si alyas Bert, 40, ng Corregidor St. Brgy 203, Zone 18, Tondo, Manila.
Batay sa report nina PSSg. Bengie Nalogoc at PCpl Rocky Pagindas kay Malabon police chief PCol. Jay Baybayan, nagpapatrolya ang mga tanod na sina Jason Edora at Edgardo Velasco, Barangay Potrero, nang matiyempuhan nila ang suspek habang nagpuputol ng kawad ng telepono dakong alas-12:30 ng madaling araw sa McArthur Highway.
Sinita ng mga tanod ang suspek subalit nagpakilala pa itong lineman ng isang telecom company.
Itinanggi na rin ng kompanya na empleyado nila ang nadakip na suspect.
Nakuha sa suspek ang ginagamit niyang dalawang metal na lagari at mga putol na malalaking kawad ng telepono na nagkakahalaga ng P9,567.99.
Ang mga nakuhang ebidensiya ay gagamitin ng pulisya sa pagsasampa ng kasong pagnanakaw at paglabag sa R.A. 10515 o ang “Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act sa piskalya ng Malabon City.