DPWH ‘tinaningan’ ng Manila LGU sa Lagusnilad repair
MANILA, Philippines — Binigyan na ni Manila City Mayor Honey Lacuna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng palugit hanggang Nobyembre 15 para tapusin ang pagkukumpuni sa Lagusnilad sa harap lang ng Manila City Hall.
Sinabi ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Lacuna, na pinaghatian ng lokal na pamahalaan ang pondo para maisaayos ang Lagusnilad na orihinal na responsibilidad ng DPWH ngunit sa matagal na panahon ay napabayaan.
Nagbigay ng P50 milyong pondo ang pamahalaang lungsod ng Maynila habang mas maliit na P25 milyon lamang ang iniambag ng DPWH.
“The Lagusnilad rehabilitation was in part city funded and in part DPWH para lang magawa na,” ayon kay Abante.
Natapos na umano ng lokal na pamahalaan ang rehabilitasyon ng porsyon na nakatalaga sa kanila nitong Setyembre habang tinatapos pa ng DPWH ang porsyon nila.
“The Mayor has given them the final desdline to finish all work until November 15,” saad ni Abante.
Inumpisahan ang pagkumpuni sa Lagusnilad noong umpisa ng Mayo at inisyal na itinakda ang pagbubukas nito noong nakaraang Setyembre. Kasalukuyan itong nagdudulot ng matinding pagbubuhol sa trapiko dahil sa hindi madaanan ang kalsada at naida-divert sa ibang ruta ang mga sasakyan.
- Latest