MANILA, Philippines — Isang Grade 6-student ang nasawi nang bumagsak sa semento at nabagok ang ulo habang nakikipag-away sa 9-anyos na batang lalaki kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Namatay sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si John Mayven Allado Reloj, 11-anyos at residente ng No. 86-E Doña Juana St., Brgy. Kristong Hari, Quezon City bunsod ng pinsalang timano sa ulo.
Nasa pangangalaga naman ng Brgy. Kristong Hari ang 9-anyos na nakaaway ng biktima.
Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas-6:55 ng gabi nitong Sabado nang mangyari ang aksidente sa RSA court sa E. Doña Juana St., malapit sa kanto ng Broadway St., Brgy. Kristong Hari.
Sa imbestigasyon ni PStaff Sgt. Rhic Roldan Pittong ng CIDU, nag-aaway umano sina Reloj at 9-anyos na batang lalaki na humantong sa hatakan ng kamay. Dito nawalan ng balanse si Reloj at bumagsak ang ulo sa semento.
Nagawa pang makauwi ng biktima hanggang sa makaramdam ng matinding pananakit ng ulo at pagsusuka kaya agad na siyang isinugod ng kanyang lolang si Ethel Allado at mga opisyal ng barangay sa National Children’s Hospital at saka inilipat sa EAMC kung saan siyan tuluyang nalagutan ng hininga.
Itiurn-over naman ang 9-anyos na totoy na nakaaway ng biktima sa Brgy. Kristong Hari para sa intervention program.