Guadiz, balik na sa LTFRB – DOTr
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) na maibalik muli bilang chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang sinuspindeng si Teofilo Guadiz III.
Alinsunod ito sa inilabas na Special Order No. 2023-380 na nilagdaan ni DOTr Secretary Jaime Bautista na may petsang Nobyembre 3.
Sa naturang special order na may titulong “Reinstatement of Assistant Secretary Teofilo Guadiz as Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson”, magiging epektibo ang pagbabalik sa puwesto ni Guadiz ngayong Lunes, Nobyembre 6.
“In the exigency and best interest of service, Assistant Secretary Teofilo Guadiz III is hereby reinstated as the Chairperson of the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), effective 06 November 2023,” nakasaad sa kautusan.
Sa naturan ding kautusan, binabawi ng DOTr ang designasyon ni LTFRB Board Member Atty. Mercy Paras Leynes, bilang OIC ng LTFRB.
“In relation thereto, Special Order No. 2023-353 dated 10 October 2023, designating LTFRB Board Member Atty. Mercy Paras Leynes as the Office-in-Charge LTFRB Chairperson from 10 October 2023 to 09 October 2024, is likewise repealed effective 06 November 2023,” nakasaad sa naturang kautusan.
Matatandaang ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ni Guadiz noong Oktubre matapos na lumantad sa publiko ang kanyang dating executive assistant na si Jeff Tumbado at akusahan siya, gayundin si Bautista, na sangkot sa korapsyon.
Mariin namang pinabulaanan nina Guadiz at Bautista ang paratang ni Tumbado at bandang huli ay binawi ang kanyang mga akusasyon laban sa dalawa saka humingi ng paumanhin sa mga ito.
- Latest