MANILA, Philippines — Nailigtas ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang babaeng biktima ng human trafficking.
Sinabi ng Immigration sa NAIA na naharang ang mga biktima ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) nang papasakay na sa kanilang flight sa Terminal 3 patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Nabatid na nagpanggap pa umano ang mga ito na mga kaopisina sa isang Information Technology (IT) networking company sa pamamagitan ng ipinakitang mga dokumento.
Gayunman, umamin din kalaunan ang mga biktima na ang working documents na kanilang ipinakita ay huwad at ibinigay lamang sa kanila ng kanilang mga recruiter na nakilala lamang nila sa Facebook.
Idinagdag pa ng mga biktima na bawat isa sa kanila ay nagbayad ng P75,000 sa kanilang mga recruiter bilang kapalit sa pagproseso ng kanilang mga dokumento para magtrabaho sa Paris.
Ang mga ito ay itinurn-over na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa kanilang mga recruiter.