Higit 1.3 milyon dumagsa sa Manila North at South cemeteries
MANILA, Philippines — Higit sa 1.3 milyong bisita ang naitala na dumagsa sa Manila North at Manila South Cemeteries sa kabila ng maulan na All Saint’s Day kahapon.
Sa huling update ng Manila Police District (MPD) sa Manila North Cemetery dakong alas-5 ng hapon, nakapagtala sila ng 1,020,000 bisita mula nang buksan ang sementeryo dakong alas-7 ng umaga.
Umabot naman sa higit 300,000 ang naging bisita sa Manila South Cemetery, ayon rin sa datos ng MPD.
Samantala, umabot sa 1,164 na flammable materials ang nakumpiska sa North Cemetery, 1,119 na sigarilyo at 1,668 na mga pabango, colognes at alcohol.
Isang pamilya naman ang kinompronta ang mga nangungumpiska ng pabango makaraang hindi isauli sa kanila ang iniwan na Victoria Secret na pabango. Pumagitna naman sa kumprontasyon ang mga tauhan ng MPD at nangako sa pamilya mula sa Tondo na hahanapin at isasauli ang pabango sa Nobyembre 3.
Samantala, sa ulat naman ng Southern Police District (SPD), umabot sa 284,400 ang naging kabuuang bisita sa mga sementeryo sa siyudad kahapon.
Nakapagtala ng humigi’t kumulang 152,690 bisita sa mga sementeryo sa Makati City, 22,150 sa Taguig City, 3,900 sa Pateros, 5,000 sa Pasay City, 8,500 sa Muntinlupa City, 10,200 sa Las Piñas City, at 81,960 sa Parañaque City.
- Latest