Payapang BSKE, maayos na palakad ng mga mananalo, hangad ng DILG
MANILA, Philippines — Ngayong botohan na para sa Barangay at Sangguniang Kabataan, hangad ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na magiging maayos ang pagpapatakbo ng mga mahahalal na punong barangay, kagawad at maging ng mga mamumuno sa sangguniang kabataan sa kani-kanilang nasasakupan.
Ayon kay Abalos, ang barangay ang pinakamaliit na political unit sa bansa subalit pinanggagalingan ng mga posibleng maging lider ng bansa kaya kinakailangan na alam ng barangay officials ang kanilang responsibilidad. Hangad niya na maging tapat at maayos ang pamamalakad ng mga mananalo sa BSKE para na rin sa pag-unlad ng lungsod at munisipalidad na kanilang kinabibilangan.
Muling nanawagan si Abalos sa mga BSKE candidates na sundin lang ang nakasaad sa batas upang maiwasan ang anumang gulo at maging matagumpay ang eleksiyon.
Samantala, pinayuhan ni Abalos ang mga hindi papalarin na maging bukas sa pagkakaisa at tanggapin ang pagkatalo.
Mas magiging maunlad at maayos aniya ang mga barangay kung may pagkakaisa ang mga residente sa kanilang mga adhikain.
- Latest