MANILA, Philippines — Ligtas na ang dalawang mangingisda na naiulat na nawawala nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bulig Shoal na sakop ng West Philippine Sea.
Nabatid na nawala malapit sa Bulig Shoal ang mga mangingisda matapos maubusan ng gasolina ang kanilang sinasakyang motorbanca.
Bunsod nito, tinangay ang bangka ng mga mangingisda ng malakas na hangin at sa hampas ng malalaking alon palayo sa kanilang mother boat na FB Lantis Andrei, at mawala ng halos dalawang araw.
Naging mabilis ang komunikasyon ng Naval Forces West sa Coast Guard District Palawan para humingi ng tulong sa pagsasagawa ng search and rescue augmentation.
Tumugon naman ang PCG sa pamamagitan ng pagpapadala nito ng BRP Sindangan sa lugar, kung saan matagumpay na natagpuan ang dalawang nawawalang mangingisda.
Agad na binigyan ng PCG ng medical assistance at pagkain ang mga mangingisda, at tiniyak na nasa maayos silang kalusugan.