MANILA, Philippines — Nagbanta ang isa na namang transport group sa pagsasagawa ng nationwide strike, kaugnay sa nagbabadyang phaseout ng traditional jeepney sa darating na Disyembre 31, 2023, gayundin sa walang humpay na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Ito ang ibinanta ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) President Mody.
“ We are preparing to hold a nationwide transport strike amid the impact of the spike of oil prices as from July up to present, the increase in the price of diesel has already reached P98,” ayon kay Floranda sa isang panayam.
Binanggit pa nito na malaki na nasa P500 ang nawawala sa isang driver sa isang araw kung saan nasa pagitan ng P12,000 hanggang P15,000 sa loob ng isang buwan dahil sa oil price increase.
Nais din nilang ipanawagan sa pamahalaan na i-address ang phaseout ng traditional na jeepney sa nakatakdang pagpapatupad ng public utility vehicles modernization program (PUVMP).
Kinontra rin ni Floranda ang pahayag ng Department of Transportation (DoTr) na nasa 70 percent na ng PUJs ang sumang-ayon sa PUVMP.
“Base sa hearing sa Senado at sa House of Representatives, mayroon lamang 8,000 modernized jeepneys nationwide kung saan, 1,500 dito ay sa National Capital Region,” dagdag ni Floranda.
Ipinaliwanag pa nito na may 155,000 traditional jeepneys ang maapektuhan ng phaseout, kabilang ang tinatayang nasa 60,000 traditional jeepneys sa Metro Manila.
Based umano sa data, mayroon lamang 103 korporasyon at kooperatiba ang nag-apply ng konsolidasyon pero kailangan pa nilang bumili ng units na nangangahulugan na maliit pa talaga ng porsiyento kinokober ng modernization.