DQ ng mga pasaway na kandidato, ilalabas na
MANILA, Philippines — Nakatakda nang ilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon hinggil sa disqualification cases (DQ) na kinakaharap ng ilang kandidato sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na maaaring mailabas nila ngayong linggong ito o bago ang mismong araw ng halalan sa Oktubre 30, ang desisyon hinggil sa disqualification cases na isinampa laban sa mga naturang kandidato.
Ayon kay Garcia, mayroong 7,000 kandidato ang inisyuhan nila ng show cause orders upang pagpaliwanagin dahil sa pagkakasangkot sa premature campaigning o maagang pangangampanya.
Mayroon na rin aniyang 200 sa mga naturang kandidato ang nahaharap na sa disqualification cases.
Samantala, mayroon na rin namang 10 kandidato ang nasampahan ng kasong diskuwalipikasyon dahil naman sa umano’y vote buying o pamimili ng boto.
Nasa 341 kandidato na rin aniya ang inisyuhan ng show cause orders ng poll body at maaaring masampahan ng disqualification cases dahil sa ilegal na pagkakapaskil ng kanilang mga campaign materials.
Matatandaang umarangkada na ang campaign period para sa 2023 BSKE noong Oktubre 19. Tatagal lamang ito ng 10-araw o hanggang sa Oktubre 28.
Mahigpit namang ipinagbabawal ng Comelec ang pangangampanya sa Oktubre 29 at sa mismong araw ng halalan sa Oktubre 30.
- Latest