MANILA, Philippines — Tinututukan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang galaw ng ilang indibidwal na sinasabing “persons of interest” sa tangkang asasinasyon kay Misamis Occidental Gov. Henry Oaminal.
Gayunman, ayon kay PNP-Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, hindi pa nila maaaring ibunyag ang nasa likod ng pananambang upang hindi “masunog” ang operasyon laban sa mga ito.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, sinasabing isang sasakyan ang namataan sa Brgy. Lapasan sa bayan ng Clarin ilang minuto bago maganap ang pagsabog ng improvised explosive device (IED) nang dumaan ang convoy ni Oaminal noong Oktubre 15.
Papauwi na si Oaminal sa Ozamiz City nang maganap ang pagsabog. Ligtas naman ang gobernador at kanyang mga security escorts.
Bunsod nito, pinaigting ng PNP ang seguridad sa lugar gayundin ang mga checkpoints.
Inutos na rin ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa mga chief of police sa Misamis Oriental ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units kaugnay ng mga posibleng pananakot at harassment sa mga local executives.
Hindi naman inaalis ng pulisya na posibleng “politically motivated” ang tangkang pagpatay kay Oaminal.