SPD may bagong director

MANILA, Philippines — May bagong direktor ang Southern Police District (SPD) sa katauhan ni P/Brigadier General Mark Pespes, ang pulis na nakabaril at nakapaslang sa hostage-taker ni dating Senador Leila de Lima sa loob ng PNP Custodial Center noong Oktubre 2022.
Sa turn-over ceremony kahapon, pinalitan ni Pespes si P/BGen. Roderick Mariano makaraang maupo sa puwesto ng tatlong buwan lamang. Inilipat si Mariano sa Office of the Chief PNP sa PNP General Headquarters.
“Sa ating mga kasama, men and women of SPD, we will be working together. Our goal is to keep a peaceful environment, a safe place to live and do business,” ayon kay Pespes sa kaniyang unang talumpati sa SPD Grandstand sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Matatandaan na hinostage noong Oktubre 2022 si De Lima ng inmate na si Feliciano Sulayao Jr. nang magtangkang tumakas sa custodial facility kasama sina Arnel Cabintoy at Idang Susukan.
Agad na nabaril at napatay ng mga pulis sina Cabintoy at Susukan habang nakatakbo si Sulayao at hinostage si De Lima. Habang nanghihingi ng tubig si Sulayao, nakakuha ng tiyempo si Pespes at binaril ang inmate hanggang sa ma-neutralize siya.
- Latest