Oil price hike aarangkada na naman

MANILA, Philippines — Muli na namang magpapatupad ng pagtataas sa presyo ng petrolyo ang mga lokal na kompanya ng langis sa darating na linggo makaraan ang pagsirit sa presyo nito sa internasyunal na merkado.

Base sa apat na araw (Oktubre 16-19) na monitoring sa Means of Platts Singapore (MOPS) trading, inaasahang tataas ang presyo ng diesel mula P1 hanggang P1.30 kada litro habang ang gasolina ay maaaring sumirit ng P.70 hanggang P1 kada litro.

Isa pang source ang nagsabi na maaaring umakyat ang diesel mula P1.15 hanggang P1.25 kada litro at ang gasolina mula P.75 hanggang P.85 kada litro.

Ang MOPS ang basehan ng presyo ng refined na petrolyo sa Southeast Asia.

Kinumpirma ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero ang napipintong panibagong oil price hike.  Isa sa dahilan nito ang pagbagsak umano ng stock ng Estados Unidos dahil sa tumataas na demand.

Dagdag pa rito, ang pagbisita ni US President Joe Biden sa Israel para mapigilan ang paglala ng sitwasyon doon.  Kung magiging maayos umano ang sitwasyon, lalong tataas ang demand sa langis, ayon kay Romero.

Isa pang dahilan ang apela ng Iran sa OPEC (Oil Producing and Exporting Countries) na magsagawa ng embargo sa Israel.

Show comments