MANILA, Philippines — Umaabot sa 60 palo ng paddle sa loob ng dalawang oras ang tinamo ng 4th year Criminology student ng Philippine College of Criminology (PCCR) na si Ahldryn Lery Chua Bravante, sa hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity na nagresulta sa pagkamatay nito.
Kahapon ay personal na nagtungo sa PCCR si Quezon City Police District Director PBGen. Redrico Maranan kung saan sinabi nito na nasa 10 sa 20 estudyante ng unibersidad ang kanilang natukoy na sangkot sa initiation rites ni Bravante na isinagawa sa isang abandonadong gusali ng STEPS Condominium sa Calamba St., Brgy. Sto Domingo, Quezon City.
Sa ngayon ang mga suspek na nasa custody na ng pulisya ay sina Justine Cantillo Artates, 20; Kyle Michael Cordeta de Castro, 21; Lexe Angelo Diala Manarpies, 20; at Mark Leo Domecillo Andales, 20, ang nasa kustodiya na ng QCPD-Criminal Investigation ang Detection Unit (QCPD-CIDU).
Sinampahan na ang mga ito ng kasong of RA 11053 o Anti Hazing Act of 20018.
Nabatid pa kay Maranan na bagamat dalawa sa apat na suspek ang nagbigay ng extrajudicial confession, mananatili pa ring suspek ang mga ito dahil nakasalalay sa korte kung aaprubahan ang kanilang mosyong upang maging state witness.
Ayon kay Maranan, puspusan ang ginagawang paghahanap sa paddle na inulat na itinapon sa isang ilog. Ani Maranan, nais nilang malaman kung totoo ang pahayag ng mga naarestong suspek na itinapon ang paddle.
Sa ngayon niya ay nagsasagawa sila ng backtracking sa kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng initiation rites.
Binigyan diin naman ni QCPD-CIDU chief PMaj. DonDon Lapitan, lumilitaw sa kanilang imbestigasyon na boluntaryo at mag-isa lamang na sumailalim sa initation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity si Bravante.
Samantala, nagpasalamat din si Maranan sa pamunuan ng PCCR sa tuloy tuloy na pakikipag ugnayan para sa ikalulutas ng kaso.
Aniya, hindi nag-atubili ang management ng PCCR na ibigay ang mga identities ng mga sangkot subalit kailangan pa rin nila itong i-validate.
Kaugnay nito, ikinalungkot din ng PCCR ang sinapit ng Bravante at tiniyak ang patuloy na pagtulong sa pulisya at pagkondena sa hazing.