MANILA, Philippines — Patay ang isang criminology student ng Philippine College of Criminology (PCCR) matapos umanong sumailalim sa hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Idineklarang dead- on-arrival sa Chinese General Hospital ang biktimang si Ahldryn Lery Chua Bravante, 25, 4th year Criminology Student at residente ng Pinabayaan Esguerra Compound, Brgy. Pasong Buaya, Imus, Cavite.
Nasa kustodiya naman ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Group (QCPD-CIDU) ang apat sa mga suspek at mga initiator na sina Justine Cantillo Artates, 20, Kyle Michael Cordeta de Castro, 21; Lexe Angelo Diala Manarpies, 20 at Mark Leo Domecillo Andales, 20.
Batay sa imbestigasyon nina PMSg. Alvin G Quisumbing at PCpl. Nestor V Ariz, Jr,. nangyari ang insidente dakong alas-2 ng hapon nitong Lunes sa abandonadong gusali ng STEPS Condominium sa Calamba St., Brgy. Sto Domingo, Quezon City.
Alas -7 ng gabi nang nakatanggap ng tawag ang Blumentritt PCP ng Manila Police District mula sa Chinese General Hospital na isang lalaki na puno ng pasa at walang malay ang dinala ng dalawang lalaki.
Agad na nagtungo sa CGH sina PSSg. Paolo H De Guzman, PCpl. Benedict Gutierrez at Pat. Mac Rupert Delatado ng MPD.
Sa salaysay nina Artates at de Castro, inamin ng mga ito na miyembro sila ng Tau Gamma Phi Fraternity Philippine College of Criminology (PCCR) Chapter at sumasailalim sa initiation rites si Bravante .
Napansin na lamang nilang nahirapan sa paghinga si Bravante at nawalan ng malay kaya dinala na nila sa nasabing ospital.
Bandang 6:40 ng gabi nang ideklaranng DOA ni Dr. Pamela Tangcueco ang biktima habang inaresto sina Artates at de Castro. Boluntaryo namang sumuko sina Manarpies at Andales.
Lumilitaw sa cursory examination na nagtamo ng hematoma sa magkabilang hita ang biktima bukod pa sa mga paso ng sigarilyo sa dibdib at kamay.
Tinungo naman ng SOCO Team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PSMS Federico Manzano ang lugar ng initiation rites at tanging anim na bote ng tubig lang ang nakita.
Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya upang mahanap ang posibleng ginamit na pamalo sa biktima.