MANILA, Philippines — Sugatan ang isang 25-taong gulang na babae makaraang tutukan ng basag na bote at i-hostage ng isang lalaki na biglang nagwala sa Pasay City.
Nagtamo ng sugat sa leeg at mga kamay ang biktimang si Cielo May Veringuel, taga-Cavite. Arestado naman ang 35-anyos na suspek na si Rodel Saklayan, ng Imelda Marcos, Ilocos Norte.
Sa ulat ng Pasay City Police, naglalakad si Veringuel sa may kanto ng EDSA at Pilapil St. Brgy. 83 nang bigla na lamang siyang hinablot ng suspek, sinakal at tinutukan ng basag na bote.
Nakatawag pansin naman sa nagpapatrulyang sina P/SSg Danilo Cumabot at Pat. Joseph Gabe ng Libertad Police Sub-Station ang nagaganap na komosyon kaya’t mabilis silang rumesponde.
Sa gitna ng pakikipag-negosasyon, nakakita ng pagkakataon si Cumabot para sunggaban ang kamay ng suspek na naging daan para makahulagpos ang biktima. Dito na pinagtulungang mapasuko ng mga pulis ang suspek.
Sa bersyon ng suspek, una siyang humingi ng tulong sa mga pulis nang pulikatin ang kaniyang paa. Nagalit umano siya nang hindi siya pansinin ng mga pulis kaya niya nagawang i-hostage ang biktima.
Nabatid rin na nawalan ng trabaho sa probinsya ang biktima at lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran ngunit minalas umano siya.
Nahaharap sa kasong alarm and scandal, slight illegal detention at frustrated murder ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.