2 ‘pasaway’ na Malaysian kinalaboso

Kinilala ang mga inaresto na sina Jack Boo, 33, at kaniyang kasama na si alyas Chong.
STAR / File

MANILA, Philippines — Bumagsak sa kulungan ang dalawang Malaysian national makaraang isa sa kanila ang arestuhin dahil sa pagwawala sa tapat ng isang restoran sa Bonifacio Global City sa Taguig, habang inaresto naman ang kasamahan niya dahil sa tangkang panunuhol sa mga tauhan ng Taguig City Police, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga inaresto na sina Jack Boo, 33, at kaniyang kasama na si alyas Chong.

Sa ulat ng pulisya, unang dinakip ng mga pulis si alyas Chong dahil sa paninigarilyo sa non-smoking area sa harapan ng BBQ Restaurant, The Fort Strip sa may 5th Avenue, BGC, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig.

Sa halip na sumunod sa mga pulis, tinangka umanong abutan ng pera ang mga sumita para hayaan siyang makapanigarilyo. Dito inaresto ng mga pulis ang suspek na nagpapalag at pinagmumura ang mga umaresto.

Pinagsabihan at binigyan ng babala naman ng mga pulis ang pamunuan ng restoran ukol sa responsibilidad na sabihan ang mga kustomer ukol sa ‘non-smoking policy.’

Dakong alas-3:50 ng madaling araw nang dumating sa Taguig City Police Substation 1 si Boo at nagtangkang suhulan ang mga pulis ng P30,000 para palayain ang kaniyang kababayan. Agad siyang pinosasan at ikinulong ng mga pulis.

Show comments