MANILA, Philippines — Nakalabas na ng bilangguan ang drag artist na si Pura Luka Vega makaraang makapaghain ng piyansa sa Manila City Regional Trial court kahapon.
Kinumpirma ng Manila Police District-Sta. Cruz Police Station 3 ang paglabas sa bilangguan ni Amadeus Fernando Pagente, totoong pangalan ng drag artist, nang maghain na ng P72,000 na piyansa para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Matatandaan na inaresto si Pagente sa kaniyang bahay sa Sta. Cruz ng mga tauhan ng MPD dahil sa warrant of arrest para sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Article 201 ng Revised Penal Code kaugnay ng kaniyang naging drag performance sa paggaya sa Itim na Nazareno at punk version niya ng Catholic song na “Ama Namin.”
Nabatid na nitong Biyernes sana mapipiyansahan si Pagente ngunit inabutan sila ng pagsasara ng korte kaya naantala ito.
Nanggaling umano ang pera na ipinampiyansa kay Pagente sa kontribusyon ng kaniyang mga tagasuporta. Umabot na umano sa kahalating milyong piso ang kanilang natanggap na donasyon, ayon kay Rod Singh, isang direktor.
Sinampahan si Pagente ng kaso ng mga deboto ng Itim na Nazareno na mas kilala sa tawag na Hijos Del Nazareno.