MANILA, Philippines — Isinailalim ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa heightened alerts ang lahat ng 42 commercial airports sa bansa simula kahapon (Oktubre 6,) kasunod ng natanggap na ‘bomb threat’ ng Air Traffic Service sa pamamagitan ng email.
Base sa ipinadalang pagbabanta na may umano’y ‘bomba’ sa mga eroplanong mula Maynila, patungo sa Puerto Princesa, sa Mactan-Cebu, Bicol, at Davao International Airport.
Agad namang nagsagawa ng paggalugad at inspeksyon ang mga awtoridad at habang nasa ilalim ng pagpapatunay, mas pinaigting pa ang ipinaiiral na seguridad sa mga naturang paliparan.
Sa isang memorandum na inilabas ni MGen. Ricardo C. Banayat, AFP (Ret.), Assistant Director General II ng CAAP Security and Intelligence Service (CSIS), lahat ng CAAP airports at area centers ay dapat mag-augment ng sapat na security personnel para pamahalaan ang inaasahang mataas na volume ng mga pasahero at traffic ng sasakyan. Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero, tauhan ng paliparan, at mga pasilidad ng paliparan.
Ipapatupad ang mahigpit na pamamaraan ng kontrol sa pag-access para sa mga tauhan at sasakyan, na sinamahan ng masusing pag-inspeksyon sa mga pasahero at kargamento.
Mahigpit na nakikipagtulungan ang mga tauhan ng CAAP-CSIS sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) at Military Authority, na nagpapaigting ng intelligence at monitoring operations kasama ang iba pang security units.
Ang patuloy na foot at mobile patrol ay isinasagawa rin sa loob ng airside at landside area ng airport complex.
Pinapayuhan namin ang mga pasaherong bibiyahe sa ibang bansa na dumating sa paliparan nang hindi bababa sa tatlong (3) oras bago ang kanilang nakatakdang paglipad upang maiwasan ang anumang abala. Hinihimok din namin ang publiko na lubos na makipagtulungan sa mga security personnel at manatiling mapagbantay habang nasa paliparan.