Pulis sa 1 pang road rage, nasa kustodya na ng QCPD

Ayon kay QCPD PBGen. Redrico A. Maranan, nakilala ang pulis na si PSMS Sahdire Agustin Ganotice na nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG), National Headquarters (NHQ) sa Camp Crame, Quezon City.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Natukoy na ng ­Quezon City Police District (QCPD) ang pulis na  nakaalitan ng Joyride rider nitong Oktubre 2 ng tanghali sa Mindanao Avenue sa Quezon City.

Ayon kay QCPD PBGen. Redrico A. Maranan, nakilala ang pulis na si PSMS Sahdire Agustin Ganotice na nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG), National Headquarters (NHQ) sa Camp Crame, Quezon City.

Nawasak ang motorsiklong gamit ni Federico Victoria na isang Joyride rider  habang nasugatan naman sa paa ang pasahero nitong si Rayou Carbonnel matapos matumba.

Batay sa report ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU)-Traffic Sector 6, alas-11:30  ng tanghali ng Oktubre 2, 2023, nang mabangga ni Ganotice  na sakay ng Yamaha  NMax ang Joyride  driver sa Mindanao tunnel sa Brgy. Talipapa, Quezon City.

Subalit tinakasan ni Ganotice ang Joyride driver kaya hinabol siya nito at muling nag­­pang­­­-abot.

Nagbitaw lamang noon ng pahayag ang pulis na nagsabing “Oh ito ID ko. Anong magagawa mo? Pulis ako eh!” kaya hindi na nakakibo si Victoria.

Dahil sa sugat na natamo, ipinost naman ni Carbonnel  sa Facebook ang kanilang sinapit.

Ngunit sa imbestigasyon at pagpupursige ng kapulisan, natukoy si Ganotice na pulis na naka-road rage ni Victoria.

Nasa kustodya na ngayon ng QCPD si Ganotice.

Show comments