Nag-post ng ‘bomb threat’ sa Facebook ng isang iskul sa Quezon City, timbog
MANILA, Philippines — Natukoy na ng Quezon City Police District (QCPD) ang responsable sa pagpo-post sa Facebook ng bomb threat sa San Francisco High School na nasa Misamis St., Brgy. Sto. Cristo, Quezon City, nitong Lunes.
Nasa kustodya na ng Criminal Investigation and Detention Unit (CIDU) si alyas Justine na residente ng Ilocos Norte St. Bago Bantay, Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City.
Nahaharap ito sa kasong paglabag sa P.D. 1727 (Malicious Dissemination of False Information or the Willful Making of Any Threat Concerning Bombs) o RA 10175(Cybercrime Prevention Act of 2012).
Ayon kay QCPD-CIDU chief PMaj. Don Don Llapitan, agad na ipinadala ng Quezon City District Anti Cybercrime Team ang FB post sa PNP-ACG at lumitaw na ang Facebook Account na “Rain Antido” ay konektado sa cellphone number na pagmamay- ari ni Justine.
Matatandaan na dakong alas-7:03 ng umaga nitong Lunes nang makatanggap ng FB post ang mga guro at estudyante ng San Francisco High School ng ‘bomb threat’.
Dahil dito, pinalabas ang mga estudyante at guro sa paaralan hanggang magnegatibo ang report.
- Latest