MANILA, Philippines — Dalawang bus ang nagliyab habang nakaparada sa kanilang terminal sa Sta. Cruz, Manila kahapon ng umaga.
Hindi na halos mapakinabangan ang dalawang bus ng Eagle Star dahil sa matinding pinsalang tinamo ng mga ito matapos na lamunin ng apoy.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-8:00 ng umaga nang bigla na lamang magliyab ang Bus No. 5382, na may plakang AQA-9872 habang nakaparada sa kanilang terminal sa 2121 Dimasalang St., sa Sta. Cruz.
Dahil sa lakas ng apoy ay nadamay naman sa sunog at nagliyab din ang Bus No. 5482 na may plakang NAR-1389, na katabi lamang nito.
Nadamay rin sa sunog ang dalawang motorsiklo na may plakang SP 2401 at 4472 UW.
Wala namang nasaktan o nasawi sa insidente dahil walang pasahero ang mga bus nang magliyab ang mga ito.
Nabatid na alas-9:00 ng umaga nang tuluyang maapula ang apoy ng mga rumespondeng bumbero.
Iniimbestigahan pa ng Arson ang dahilan kung papaano nagliyab ang dalawang bus na nakagarahe at inaalam din ang halaga ng napinsalang bus.