2 patay, 2 pa sugatan sa sunog sa Quezon City
MANILA, Philippines — Dalawa katao ang iniulat na nasawi, habang dalawa pa ang nasugatan nang sumiklab ang sunog, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Sa ulat ni Fire Chief Insp. Marvin Mari, District 5 Commander Bureau of Fire Protection Quezon City, nakilala ang mga nasawi na sina Heart Angel Uy at Mark Anthony Baban, 40, habang sugatan naman sina William, 47 at Michelle Uy, 48 ng 3 Omega, Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Batay sa inisyal na report, bandang alas-2:10 ng madaling araw nang nakatanggap ng tawag ang QC Fire Department mula kay Michelle na nasusunog ang kanilang tahanan.
Nakalabas ng bahay sina Michelle at William na nagtamo ng sugat at hirap sa paghinga at dalawang iba pa.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng QC Fire Department at agad na naapula ang apoy dakong alas-2:51 ng umaga.
Subalit sa isinagawang mopping operation, natagpuan ang sunog na bangkay nina Heart at Mark Anthony sa ikalawang palapag ng bahay.
Sinasabing bisita ng pamilya Uy si Baban.
Posibleng nasa kasarapan ng tulog ang mga biktima nang sumiklab ang sunog na nagsimula sa unang palapag ng bahay sa hindi pa malamang dahilan.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga tauhan ng BFP upang malaman ang pinagmulan ng sunog.
- Latest