P1 provisional increase sa pasahe sa jeep, aprub na ng LTFRB
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 provisional increase sa minimum na pasahe sa lahat ng pampasaherong jeepney sa buong bansa simula sa Oktubre 8, 2023.
Ayon sa LTFRB, ito ay kanilang napagdesisyunan para matulungan ang transport groups sa walang humpay na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Dahil dito magiging P13 na ang minimum na pasahe sa jeep.
Ipinaliwanag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na provisional fare increase muna ang kanilang naibigay dahil isasalang pa sa susunod na hearing sa Nobyembre 7,2023 ang tungkol sa petisyon ng mga PUJ na P5 fare hike at P1 taas sa suceeding kilometer.
Ayon kay Guadiz, kailangan umano na mabusising maigi ang datos at mahingan muna ng pahayag ang mga cause-oriented groups kasama ang commuters group bago sila magdesisyon ukol dito.
Pinasalamatan naman ng mga petitioners na sina Pasang Masda Obet Martin , ALTODAP President Boy Vargas at ACTO president Liberty de Luna ang desisyon ng LTFRB dahil kahit paano ay maiibsan ang epekto ng oil price hike.
Sinuportahan na rin ng Commuters group na Move As One Coalition ang provisional increase pero hanggang P1 lang anila ang aprub sa kanilang hanay na maitaas ang pasahe sa jeep.
- Latest