MANILA, Philippines — Kasong murder at hindi homicide ang isinampa laban sa anim na pulis na sangkot sa pamamaril at pagkamatay ng 17-anyos na si Jerhode “Jemboy” Baltazar sa Navotas City Regional Trial Court.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Executive M/Sgt. Roberto Balais Jr., SSgt. Antonio Bugayong Jr.,SSgt. Gerry Maliban, SSgt. Nikko Pines Esquilon, Cpl. Edmard Jade Blanco at Pat. Benedict Mangada.
Ang pagsasampa ng kasong murder ay ibinase sa tama ng bala ng baril sa katawan ni Baltazar at bilang ng mga pulis na responsable sa insidente.
Una na ring pinasibak ni National Capital Region Police Office(NCRPO) Director PBGen. Joe Melencio Nartatez ang anim na pulis dahil sa kasong grave irregularity in the performance of duty at conduct unbecoming of a police officer kasama ang dalawa pang opisyal ng Navotas City Police na sina Cpt. Mark Joseph Carpio at Luisito de la Cruz na kinasuhan ng serious grave neglect of duty.
Maging ang hepe ng Navotas City Police na si Col. Allan Umipig ay sinibak sa puwesto dahil sa command responsibility at tangkang pagtakpan ang kaso.
Matatandaang napagkamalan ng mga pulis noong Agosto 2 si Baltazar na si Reynaldo Bolivar na suspek isang shooting incident sa Brgy. NBBS, Kaunlaran, Navotas City.
Umaabot sa 22 pulis ang tinanggal sa puwesto dahil sa kaso.
Walang inirekomendang piyansa sina Assistant City Prosecutor Arvin Carael at City Prosecutor Armando Cavalida para sa pansamantalang paglaya ng mga suspek.