MANILA, Philippines — Hindi na maniningil ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng ‘pass-through fee’ o ‘travel fee’ sa mga biyahero ng mga produkto na dumaraan sa mga kalsada sa siyudad makaraan ang kautusan ng Malacañang.
Sa inilabas na Notice ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), kanilang ipatutupad ang kautusan ng Office of the President na nagbabawal sa anumang lokal na pamahalaan na maningil ng ‘pass-through fees’ sa lahat ng uri ng behikulo na may kargang mga produkto.
Pirmado ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin ang Executive Order No. 41 para sa lahat ng lokal na pamahalaan na inilabas nitong Setyembre 25.
“Please be informed that in compliance with the above-mentioned Executive Order, signed by Lucas P. Bersamin, Executive Secretary, on 25 September 2023, effective immediately, the Manila Traffic and Parking Bureau, hereby suspends and discontinue the collection of Pass-Through Fees (Travel Permit fees,” ayon kay MTPB Officer In Charge Zenaida Viaje.
Kinumpirma naman ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna, ang pagpapatigil sa paniningil ng travel permit bilang pagsunod sa utos ng Pangulo.
Layon ng EO 41 na mapababa ang halaga ng pagbibiyahe ng mga produkto, lalo na ang pagkain upang malabanan ang inflation sa bansa.