MMDA Motorcycle Academy bukas na
MANILA, Philippines — Nagbukas na kahapon ang Motorcycle Academy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsasanay sa mga baguhan at maging datihan nang riders para mapataas ang kaalaman sa pagmamaneho ng motorsiklo.
Itinatag ang akademya sa bakanteng lote ng Government Service Insurance System (GSIS) sa may Julia Vargas Avenue corner Meralco Avenue sa Pasig City.
Magbibigay ito ng libreng pagsasanay sa mga indibidwal na may edad 17-taong gulang pataas na nais matuto ng tamang paraan ng pagmamaneho. Kaya umano nitong mag-accomodate ng hanggang 100 partisipante kada batch.
Hinikayat ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes ang mga riders kahit na datihan na para mabigyan sila ng tamang edukasyon at mabago ang kanilang kaisipan kapag nasa kalsada na.
“Hindi ako naniniwala na ang ibang motorcycle riders ay likas na walang disiplina, bagkus kulang lamang sila sa kaalaman at edukasyon sa tamang paggamit ng daan, traffic rules and regulations, and proper driving skills,” ayon kay Artes.
Dumalo sa okasyon si Vice President Sara Duterte na isa ring motorcycle enthusiasts at nagpahayag ng suporta sa MRA. Malaki umano ang maitutulong ng akademya sa pagligtas ng maraming buhay ng mga riders at maging ligtas ang mga kalsada sa Metro Manila.
Daraan ang mga riders sa dalawang araw na kurso na kinabibilangan ng: Basic Road Emergency Response; road Traffic Rules and Regulations; Motorcycle Orientation on basic parts; control and operation of motorcycles; demonstration of static position and moving position; at Motorcycle Skills Practice and Demonstration.
Ang mga makakatapos sa Basic Motorcycle Rider Course at papasa sa Motorcycle Riding Skills Test ay mabibigyan ng Certificate of Completion at badge.
- Latest