Dahil sa 2 LPA, habagat
MANILA, Philippines — Nalubog kahapon sa baha ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila dahil sa malalakas na ulan dulot ng dalawang low pressure area (LPA) na nararanasan ng bansa.
Base sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metrobase, alas-11:50 ng tanghali nang makapagtala ng 19 na pulgadang baha sa may EDSA northbound sa tapat ng Gate 3 ng Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Nagdulot ito ng paghinto ng mga sasakyan at matinding pagbubuhol ng trapiko. Humupa lamang ang baha sa naturang lugar dakong alas-2:17 na ng hapon.
Nakapagtala rin ng anim na pulgadang baha sa Ortigas flyover northbound on ramp, Santolan northbound EDSA flyover (gutter deep), EDSA southbound Panay Avenue tungo ng Mother Ignacia (8 pulgada) EDSA northbound Centris (10 pulgada) at EDSA Balintawak (4 pulgada).
Sa ibang bahagi ng Quezon City, nakapagtala ng limang pulgadang baha sa Araneta/E. Rodriguez Avenue, East Avenue-NKTI (13 pulgada o half-tire).
Sa Maynila, umabot ng 17 pulgada (knee deep) ang bahay sa España Ave. dakong alas-12:41 ng hapon na dahilan din ng paghinto ng mga sasakyan at mabigat na trapiko. Nasa walong pulgada naman ng baha sa España-Antipolo Street, España-Vicente Cruz (8 pulgada-gutter deep), España-Dela Fuente (12 pulgada o half-tire).
Sa Valenzuela City, iniulat ng pamahalaang lungsod na umabot sa 20 inch ang lalim ng baha sa kahabaan ng Mac Arthur highway at iba pang mga Barangay sa lungsod dakong alas-1:15 ng hapon.
Nasa 8 inches naman ang lalim ng baha sa Malabon City sanhi ng pagbaha bunga ng pagbuhos ng malalakas na ulan.
Nabatid na umaabot sa 20 Barangay sa buong Quezon City ang nakaranas ng mga pagbaha mula hanggang tuhod habang sa iba namang lugar dito ay hanggang baywang.