‘Di binigyan ng barya, nangholdap
MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang lalaki na may modus na manghihingi muna ng barya bago holdapin ang kanilang biktima, makaraang makorner sila ng mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District (MPD) matapos na makapambiktima sa may Quezon Bridge sa Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Jessie Delima, 18, at si Alfredo Manimog, 29, porter.
Sa ulat ng MPD-Barbosa Police Station 14, naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa may Quezon Bridge sa Brgy. 384 Quezon Blvd., Quiapo.
Isinalaysay ng biktimang si Rizaldy Sesma, 40, security guard, ng Northbay Blvd., Navotas City, na naglalakad siya sa naturang tulay nang lapitan siya ng dalawang suspek at unang nanghingi ng barya. Nang hindi siya nagbigay, naglabas ng patalim ang mga suspek, nagdeklara ng holdap at puwersahang tinangay ang kaniyang mga gamit bago tumakas patungo sa direksyon ng Quinta Market.
Agad na nakahingi ng saklolo ang biktima sa MPD Bikers, kaya agad na hinabol ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.
Narekober sa mga suspek ang tinangay na itim na backpack bag na naglalaman ng isang iPhone 6, coin purse na may lamang P3,000, airpod at iba pang personal na gamit ng biktima.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong Robbery Hold-up sa Manila City Prosecutor’s Office.
- Latest