MANILA, Philippines — Sinawimpalad na bawian ng buhay si dating Marikina Representative Bayani Fernando matapos na aksidenteng mahulog sa bubong ng kanilang bahay sa Marikina City, kahapon.
Mismong ang maybahay ni Fernando na si dating Mayor Maria Lourdes Fernando ang nagkumpirma ng malungkot na balita.
Batay sa sketchy report, sinasabing may kinukumpuni si Fernando sa bubong ng bahay sa Monte Vista Subdivision, Barangay Industrial Valley Complex, Marikina, nang aksidenteng mahulog.
Naisugod pa si Fernando, 77-taong gulang na, sa Quirino Memorial Hospital ng mga personnel ng Rescue 161 Marikina ngunit binawian din ng buhay dakong alas-12:36 ng tanghali.
Si Fernando ay nagsilbi bilang alkalde ng lungsod ng tatlong termino mula 1992 hanggang 2001.
Matapos ito, naging chairman siya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula 2002 hanggang 2009.
Naging congressman din ito sa lungsod mula 2016 hanggang 2022.
Nagtapos si Fernando ng mechanical engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1967.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikidalamhati ang Marikina City Government sa pagpanaw ni Fernando, sa pangunguna ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro.