MANILA, Philippines — Kinansela kahapon ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan at maging pasok sa kanilang mga tanggapan dahil sa makapal na “vog o smog” na bumalot sa Kamaynilaan umpisa pa nitong Huwebes ng hapon.
Sa Maynila, pasado alas-11 ng umaga na nang mag-anunsyo ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng kanselasyon ng “in person” o “face-to-face classes” sa panghapon sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
“Work in the city government of Manila, including its satellite offices, is likewise suspended starting 1:00PM,” ayon pa sa MDRRMO.
Nagsuspinde rin ng panghapong klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan ang Quezon City government.
Ito ay bilang tugon ng QC LGU sa rekomendasyon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) dahil sa smog formation.
Maaga namang nagkansela ng klase sa mga paaralan si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano. Kinansela rin ang pasok sa hapon ng kanilang mga empleyado sa lokal na pamahalaan maliban sa mga emergency responders.
Nagkansela rin ng klase ang Parañaque City, Makati City, Taguig, Las Piñas at Muntinlupa.