MANILA, Philippines — Umabot na sa 63,864 unit ng mga pampublikong sasakyan nationwide ang nabiyayaan ng fuel subsidy ng pamahalaan sa loob ng unang dalawang araw na pamamahagi nito.
Sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), umabot sa 23,047 na mga operator ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa ang nakatanggap ng naturang subsidiya sa unang araw ng pag-arangkada ng pamamahagi ng fuel subsidy, habang 40,817 naman nabigyan sa ikalawang araw.
Sa kaparehong datos, naitala na karamihan sa mga naunang nabigyan ng naturang subsidiya ang mga operator ng mga Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) habang nakatanggap na rin ang mga operator ng mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ), Public Utility Bus (PUB), Mini-bus (MB), Tourist Transport Services (TTS), School Transport Services (STS), Filcab, at iba pang mga pampasaherong sasakyan.
Bukod dito, nakatanggap din ng fuel subsidy ang mga operator ng Mini-bus (MB), Tourist Transport Services (TTS), School Transport Services (STS), at mga Filcab.
Kaugnay nito, tiniyak ng LTFRB na tuluy-tuloy na ang pamamahagi ng subsidiya makaraang makakuha ng exemptions mula sa Commission on Elections (Comelec) para sa election ban.
Magugunitang ang fuel subsidy ay ibinigay ng pamahalaan sa mga PUVs na lubhang naapektuhan nang walang humpay na pagtaas sa presyo ng petrolyo.